Abante Tonite Interactive

Erik, Angeline tinulungan si Korina

663

Hindi lahat ng pangarap ay natutupad, pero para sa isang bayaning guro at matiyagang lola, isang sulat lang sa “Rated K” ang kinailangan nila para magkatotoo ang kanilang hangarin.

Kasama ang Kapamilya artists na sina Erik Santos at Angeline Quinto, agad na inaksyunan ng programa ni Korina Sanchez-Roxas ang mga kakaibang hiling para sa high school teacher na si Beth Sangalang at ang nais maging songwriter na si Francisca Teje o “Lola Fe.”

Sinorpresa nina Korina ang guro ng isang live performance mula sa “Prince of Pop” ng OPM, at tinupad naman ang pangarap ni Lola Fe na marinig ang sinulat niyang kanta na inaawit ng “Queen of Teleserye Theme Songs.”

Nakilala ng “Rated K” si Beth sa sulat ng dating estudyante nitong si Arjay Velasco na nais pasalamatan ang kanyang guro na kumupkop sa kanya at nagpaaral sa kanya nu’ng muntik na siyang tumigil sa pag-aaral. Naging OFW na si Arjay sa Dubai, ngunit hindi niya nakalimutan ang kanyang minamahal na guro na tinuturing niyang bayani.

Nag-email siya sa “Rated K” at humingi ng video greeting mula sa paborito nilang singer na si Erik. Pero hinigitan pa ito ng programa na dinala mismo si Erik sa high school reunion nila para personal na awitan ang butihing guro.

“Sumulat ako kasi talagang kilala ang ‘Rated K’ sa pagbibigay ng sagot sa mga kahilingan,” sabi ni Arjay.

Samantala, matagal nang pangarap ni Lola Fe na magsulat ng kanta pero hindi niya ito napursige dahil sa hirap ng buhay. Nag-kasambahay siya para masuportahan ang pamilya pero hindi niya mabitawan ang pangarap.

Sa kanyang sulat sa “Rated K,” sinabi ng 72-anyos na lola na nais niyang makanta ng isang Kapamilya artist ang kanyang mga komposisyon. Tinupad ito ng programa sa tulong ni Jonathan Manalo ng Star Music, na siyang nag-areglo ng kanta niyang “Maraming Salamat Mahal,” na kinanta naman ni Angeline. Ilalabas nila ang awit bilang single at makukuha ni Lola Fe ang lahat ng kikitain nito.

“Matanda na ako, ngunit patuloy akong nangarap na matutupad ang pangarap ko,” sabi ni Lola Fe. “Maraming salamat sa ‘Rated K’ kasi kayo lang ang pumansin sa akin at dumito pa kayo para matupad ang kahilingan ko.”
Ang “Rated K” ang premyadong news magazine program ng ABS-CBN na nagtatampok ng mga kuwentong Pinoy na kakapulutan ng impormasyon, aliw, at inspirasyon. Isa rin ito sa mga programa ng ABS-CBN na nag-aabot ng tulong sa mga Kapamilyang nangangailangan.

Panoorin ang “Rated K” tuwing Linggo, 8:45 pm, pagkatapos ng “Wansapanataym” sa ABS-CBN. (Roldan Castro)

Tonite – Wendys Inhouse Ad