Abante Tonite Interactive

Erik pinakamabentang singer sa serye ng ABS-CBN

630

tonite-no-thanks-cristy-ferminParang kailan lang ‘yun nang tanghalin siyang kampeon ng Star In A Million. Labinglimang taon na pala ngayon ang lumilipas.

At mula nu’n ay umangat na nang umangat ang pangalan at kaledad ng maga­ling na singer na si Erik Santos. Magaling, magaan siyang katrabaho, mabuting anak at kapatid, palaging mabango, lahat na yata ng magagandang kata­ngian ay hawak na niya.

Masarap kasama sa show sa ibang bansa si Erik Santos. Mahal niya ang kanyang trabaho, propesyonal siya, kapag sinabi naming alas kuwatro nang madaling-araw ay kailangang nasa lobby na siya ng hotel dahil palipad na naman kami ng ibang siyudad sa Canada ay maaasahan mong alas tres y medya pa lang ay nandu’n na siya.

Hindi ka niya bibigyan ng kahit anong problema, ano bang nasa gitna siya ng snow, wala siyang reklamo sa picture taking, na ikinasasaya ng ating mga kababayan.

At bilang pasasalamat sa mga walang sawang sumusuporta sa kanyang singing career ay isang malaking concert ang ihinanda ni Erik Santos sa September 22 sa MOA Arena.

Dahil 15th year anniversary na niya sa mundo ng musika ay labinglimang guests din ang kanyang makakasama sa “My Greatest Moments,” siya mismo at si John Prats ang magdidirek ng concert.

Parang anak na ang turing sa kanya nina Tito Henry at Tita Lily Chua, ang mga produ­cers ng Lucky 7 Koi Productions, hindi na sila nagnenegosyo kung tutuusin dahil pamil­ya na sila.

Ewan, pero kapag si Erik Santos na ang aming pinanonood at pinakikinggan ay may kakaibang emosyon kaming nararamdaman. Galing kasi sa puso ang piyesa, hindi sa bibig lang, kaya naman pinakamabenta siyang singer sa mga ginagawang serye ng ABS-CBN.

Hindi namin palalampasin ang concert na ito ni Erik Santos, umaraw man at umulan ay dadayo kami sa MOA Arena sa September 22, pagsisisihan namin kung hindi kami manonood.