Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ermat kinatay kasabwat boyfriend

0 71

Nasawi ang isang ginang matapos pagtulungang saksakin at tagain ng kanyang dalagitang anak at ng nobyo nito sa La Castellana, Negros Oriental kamakalawa nang madaling-araw.

Dead on the spot ang biktima na kinilalang si Tessie Esparagoza, 44-anyos, na nagtamo ng mga saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nasakote naman ang magnobyo na parehong 17-anyos pa lamang.

Sa ulat na ipinadala ni Captain Rjohn Darell Nigos, hepe ng La Castellana Municipal Police Station sa Negros Oriental Police Provincial Office, nangyari ang krimen dakong alas-tres nang madaling-araw nitong Martes, Mayo 10, habang mahimbing na natutulog ang biktima sa kanilang bahay sa Purok Langka, Barangay Robles.

Bago isinagawa ang krimen ay nag-text na pala ang dalagitang suspek sa kanyang nobyo para pumunta sa kanilang bahay at plano nang patayin ang sariling ina.

Napag-alaman na saksak at taga ang tinamo ng biktima mula sa dalawang menor de edad na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng ginang.

Lumalabas ulat na nagtanan ang magsyota subalit binawi ng kanyang ina ang dalagita mula sa nobyo nito.

Doon na umano nagtanim ng sama ng loob ang dalagita sa kanyang ina at una nang pinagplanuhang lasunin ang ginang subalit hindi ito nagtagumpay.

Muling isinagawa ng dalagita ang planong patayin ang kanyang ina matapos na gawing kasabwat ang nobyo at naisakatuparan ang krimen nitong Martes nang madaling-araw.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang patalim at itak na ginamit ng dalawang kabataang suspek sa pagpatay sa ginang.

Nasa pangangalaga ngayon ng Municipal Department of Social Welfare and Development ang dalawang suspek at pagsapit nila sa tamang edad ay sasampahan ang mga ito ng kasong parricide para sa anak at murder naman sa kanyang nobyo nito.(Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.