Abante Tonite Interactive

Erpat, 2 anak huli sa buy-bust

175

Magkakasamang naaresto ang 56-anyos na tatay at dalawang anak nito, kabilang ang isang menor de edad, sa kinasang buy-bust operation sa Makati City kamakalawa.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang mga naaresto na sina Nicanor Santos; anak na si Nikki Jay, 22; at 16-anyos na si alyas ‘Rey’, pawang mga taga-Brgy. Comembo.

Batay sa report, dakong alas-7:07 ng gabi nang ikasa ng Station Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation sa tapat ng bahay ng mag-aamang Santos.

Hindi na nakapalag ang tatlo nang palibutan sila ng mga pulis matapos na tanggapin ang P1,000 marked money mula sa umaktong bibili ng pinatu­yong marijuana.

Nakumpiska sa mga suspek ang siyam na plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong marijuana at isang bundle na ‘mid-grown marijuana’ na pinabalatan ng plastic.

Ayon kay Simon, aabot sa P11,000 ang halaga ng marijuana na nakumpiska sa mag-aama.

Nakakulong ang mag-aama sa detention cell ng Makati City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Armida Rico)