Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Erpat kinatay sa pamana

0 315

Pinagsasaksak hanggang mapatay ng 64-anyos na anak ang kanyang 88-anyos na ama sa Quezon City, noong Biyernes dahil sa pagtanggi nito na bigyan ng mana ang suspek.

Wala nang buhay at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ng iba pang anak ang biktimang si Roberto Alviz sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Del Monte, alas-otso ng umaga. Nakapiit naman ang tinuturong suspek sa krimen na si Arnelito Alviz, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang balikat.

Sa report ng pulisya, sinabi ng anak ng biktima na si Armando na narinig niyang nagtatalo si Arnelito at ang kanyang ama kaya humingi siya ng tulong sa isa pang kapatid na si Eduardo. Pagdating ng huli sa bahay at nakita na niyang nakabulagta ang ama sa silid nito.

Nakita rin umano ni Eduardo si Arnelito na mabilis na sinara ang silid at kinandado ang pinto habang hawak ang kutsilyo na may bahid ng dugo at baril. Mabilis na nagpasaklolo ang anak ng biktima sa mga awtoridad. Rumesponde ang SWAT Team sa pangunguna ni P/Capt. Jacinto Pascual.

Nang pasukin ng pulisya ang bahay ay nagpaputok umano ng baril si Arnelito kaya napilitan gumanti ang mga awtoridad at tinamaan ng bala sa balikat ang suspek. Dinala muna ito sa ospital bago ikulong.

Batay sa imbestigasyon, nagalit umano ang suspek sa ama makaraang tumangging ibigay ang kaniyang mana.

Nasamsam sa crime scene ang isang cal 38 Armscor revolver na may apat na misfired bullet, dalawang live bullet at kutsilyo. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.