Abante Tonite Interactive

Erram ididispatsa ni Guiao sa TNT

897

Habang patuloy ang negosasyon sa mga bumabarat na pagbebentahan ng prangkisa ng North Luzon Expressway o NLEX, isa-isa nang tina-transfer ang mga de-kalibreng manlalaro ng Road Warriors para ipuno sa mga pangangailangan ng kapatid nitong team.

Isa rito ang miyembro ng Gilas Pilipinas at sentro ng team na si John Paul ‘Poy’ Erram na agad na kinuha na Talk ‘N Text o TNT kaysa iba pa nga ang makinabang, at pihadong magpapalakas sa KaTropa bago magbukas ang 45th Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2020 sa Marso 8.

Kalat na sa sektor ng negosyo ang pakikipagnegosasyon ng Manuel V. Pangilian Group, ang may ari ng NLEX, TNT at Manila Electric Company o Meralco ang paglako na Road Warriors. Wala pa lang taker dahil sa binabarat ang halaga ng prangkisa.

May ilang source na rin ang TONITE sa loob ng pro league hinggil sa for sale ang NLEX. Ito’y sa kabila na tinatwa na sina NLEX team mana­ger Allan Gregorio na hindi ibinibenta ang prangkisa, habang walang nalalaman si Road Warriors coach Joseller ‘Yeng’ Guiao sa balak ng pangasiwaan.

“Wala sa level ko ang usapan na ganyan. Mas dapat na tanungin ang mga bosing,” reaksyon ni Guiao.

Pinag-uusapan na rin ang pag­lipat ni Erram sa KaTropa bagaman muling pinabulaanan ang plano para masungkit sa pamamagitan ng trade ang may taas na 6-foot-7 center.

“I cannot comment on anything that I don’t know to be 100 percent factual. That’s all I can say,” tugon naman ni TNT active consultant Mark Dickel. “However, I’ll say when I know it’s for sure. But it would be great. No question,” pahabol ni Dickel tapos ng Gilas Pilipinas sa Meralco Gym, Pasig nitong Biyernes.

Aminado din si Dickel na malaki ang maitutulong ni Erram kung mapupunta sa KaTropa.

May negosasyon na ang NLEX at sister team TNT para sa isang trade kung saan makikisalo sa swap ang isa pang PBA ballclub bilang conduit. (Lito Oredo)