Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Errata’ ang bagong ngalan ng pork

0 138

Maaaring isipin na “naibalik sa riles ang tren.” Nanawagan ng Special Session ng Kamara si Pang. Duterte. Kumilos si Rep. Lord Allan Velasco upang mahalal siya bilang bagong Speaker at mapwersang magbitiw si Rep. Alan Peter Cayetano. Muling binuksan ni Velasco ang deliberasyon sa panukalang budget at tiniyak ang pagpasa nito sa ikatlo at huling pagbasa alinsunod sa deadline ng Malacanang noong Oktubre 16. Animo’y wala nang panganib ng pagkaantala sa pagpasa ng 2021 budget.

Pero teka muna. May hinihirit pa ang Kamara. Ayon kay Appropriations Committee chairman Rep. Eric Yap, sa Oktubre 28 pa raw maiaabot ng Kamara sa Senado ang soft copy ng General Appropriations Bill. Kinakalikot pa ng isang “small committee” na binuo ni Velasco ang nilalaman nito. Magpapasok umano sila ng mga “errata” na magmumula sa mga ahensya ng gobyerno. “Ang errata, galing lahat sa agencies, walang galing sa congressman,” ani Yap.

“Errata” ay “pagwawasto sa mga maling teksto sa isang publikasyon.” Halimbawa, maglalabas ng “errata” ang isang pahayagan upang iwasto ang wrong spelling o maling impormasyon na kanilang nalathala. Bakit pinagsusumite ang mga ahensya ng “errata” sa kanilang panukalang budget? Ano ang kahulugan ng maniobrang ito ng bagong pamunuan ng Kamara?

SM SuperKidsDay Banner Ad

Isang dahilan kung bakit hindi nakapanatili si Cayetano bilang Speaker ay ang pagtingin na ginamit niya ang kanyang poder paboran ang mga “malapit sa kanyang kusina” sa hatian ng pondo at proyekto, at naipasok nila ito sa panukalang 2021 budget. Bilang bagong luklok na Speaker, umaasa kay Velasco ang mga sumuporta sa kanya na babaguhin niya ang hatian ng pondo, partikular sa budget ng Department of Public Works and Highways. Ang problema ni Velasco: nagtakda si Duterte ng deadline na Oktubre 16 para sa pinal na pagpasa ng Kamara sa General Appropriations Bill. Kapos ang panahon para magpasok ng mga “insertions” ang mga kongresista.

Ayon sa Konstitusyon, hindi na maaaring baguhin ng Kongreso ang nilalaman ng isang panukalang batas na inaprubahan na sa ikatlong pagbasa. Ano ngayon ang kanilang diskarte? Palalabasin nila na mga “errata” mula sa mga ahensya ang mga “insertions” ng mga kongresista (ang bagong hatian sa pondo at proyekto na katanggap-tanggap sa bagong kaayusan sa Kamara). Abangan natin ang daan-daang pahina ng “errata” na ipapaloob sa General Appropriations Bill ng Kamara bago ito ipasa sa Senado.

Isang malaking kabulastugan ito na naglalantad ng patuloy na sabwatan ng Malacanang at mga mambabatas upang panatilihin ang sistema ng pork barrel, o ang pamamahagi ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado ng pondong publiko para sa mga proyekto at programa, na maaaring gamitin para panatiliin ang sarili sa poder at para sa kurakot. Paglapastangan ito sa prosesong itinakda ng Konstitusyon na naglalayon ng sistema ng check and balance at humihingi ng ganap na transparency mula sa Ehekutibo at Lehislatura sa pangangalaga sa pondo ng mamamayan.

Asahan natin na lalong iinit ang kontrobersya kaugnay sa “errata,” laluna sa pagsapit ng yugto ng bicameral conference committee sa bandang Nobyembre.

Leave A Reply

Your email address will not be published.