Abante Tonite Interactive

Escalator sa MRT palyado pa rin

0 232

For the Record
Aileen Taliping

Sa kabila ng mga ipinagmamalaking mga ginagawang proyekto ngayon ng Duterte administration, tila napag-iwanan at nakalimutan ng mga opisyal ng gobyerno ang mga problemang dapat unahin lalo na sa transportasyon, partikular sa Metro Rail Transit (MRT).

Oo nga’t bibihira na ang ulat ng mga tumitirik na mga bagon ng MRT, tila nakalimutang ayusin din ang mga escalator at elevator sa bawat train station.

Pahirap para sa mga may edad na ang pag-akyat sa matataas na hagdan ng MRT stations lalo na sa mga may sakit at hingal, pati na rin sa persons with disability (PWD).

Isang halimbawa ang MRT Boni station kung saan napakatagal ng panahon na hindi gumagana ang escalators at elevators kaya naman nakakaawa ang mga senior citizen at mga may karamdaman sa pag-akyat sa hagdan.

Ano na ang nangyari sa ginastusan ng milyon-milyong pisong deal para sa repair ng MRT escalators noon pang nakalipas na administrasyon?

Mula sa mahigit 30 escalator ng MRT sa iba’t ibang stations nito ay iilan pa lamang ang gumagana kaya hirap pa rin ang mga may edad sa pag-akyat sa mga hagdanan.

Nitong buwan ng Hulyo ay inihayag ng isang opisyal ng Department of Transportation na inaasahang matatapos ang repair ng mga escalator at elevator hanggang 2021. Dalawang taon pa! Jusme.

Sana naisip ng mga opisyal na bago tuluyang makasakay sa bagon ng MRT ang mga pasahero ay kailangang umakyat pa ang mga ito, at naisip rin sana na hindi lahat ng sumasakay ay malusog at malakas, dahil may ibang mga pasahero na kailangang alalayan.

Malaking bagay ang escalator at elevator sa MRT kaya sana naman matapos na ang rehabilitasyon sa mga ito para mabawasan ang kalbaryo ng mga may edad ng mga pasahero.