Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Esep-esep kay Mayor!

0 94

Sa mga matutunog na pangalang sasabak sa Pampanguluhang halalan sa bansa sa susunod na taon, dalawang mayor ang sa kasalukuyan ay nangingibabaw sa mga surbey at ang mga ito ay sina Davao City Mayor Sara Dutere at Manila Mayor Isko Moreno.

At kung ating babalikan ay dalawang dating mayor na rin ang naging Presidente ng Pilipinas na kinabibilangan ng napatalsik at nakulong na si dating Pangulong Joseph Estrada at ang kasalukuyang nakaupo na si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Si Estrada at ang nakakatandang Duterte ay parehong prominente sa mga lunsod na kanilang pinamunuan bilang mayor at ganoon din ang nakakabatang Duterte at maging si Moreno.

Pero nang tumuntong na sa Malacanang, ang mga ipinagmamalaking rekord sa pamamahala sa lokal na pamahalaan ay natabunan ng samu’t saring usapin gaya ng korapsiyon at pag-abuso sa impluwensiya ng mga malalapit sa kanila.

Dalawang beses nang nangyayari ang ganitong eksena sa dalawa ring dating mayor na napunta sa Malacanang at hindi malayong ito ay maulit sa pangatlong pagkakataon kapag hindi naging mas matalino ang ating mga botante.

Ito ay dahil sina Moreno at Duterte-Carpio ay parehong nasa taas ng mga naglalabasang surbey.

At kung tutuusin, ang ipinagkaiba lamang ni Moreno sa nakakatandang Duterte ay ang tindig dahil mas bata at mestiso ang una.

Kumbaga sa usapang mekaniko ay dating makina na inilipat lang sa bagong kaha kaya hindi pa rin bago ang arangkada.

Kung ang mga nabanggit na nakaraan ang pagbabatayan, lutang na lutang ang katotohanan na hindi talaga kayang pamunuan ng dating mayor ang pambansang gobyerno at sapat na sigurong halimbawa ang Estrada at Duterte administration.

Kaya nga ba mahalagang pairalin ang higit na katalinuhan sa pagpili ng papalit kay Duterte kung ayaw nating ma-strike-out tayo at tuluyan nang malugmok.

Nasa P13 trilyon na ang utang ng gobyerno ngayon kaya napakataas ng antas ng banta na tayo ay ma-strike-out kung mali ang magiging direksiyon ng ating pagpalo sa susunod na taon.

At sa ganitong kalagayan na ayon sa mga eksperto ay maari pang lumubha kung ang susunod na mapipiling lider ay walang sapat na kakayahan, katapatan at katapangan na puksain ang mga maling sistema para malunasan ang problema, boboto ka ba uli ng mayor para maging Presidente?

Leave A Reply

Your email address will not be published.