Abante Tonite Interactive

Esmi, lover nabulaga sa motel ng balikbayang mister

945

Hindi na nakatanggi pa si misis at kalaguyo nitong driver nang maaktuhan sa loob ng isang motel ng kanyang mister na umuwi pa mula sa abroad upang patotohanan ang sumbong sa Kawit, Cavite.

Kasong adultery ang isasampa laban kina Liezl Cublan, 37-anyos, may asawa, ng Block 1 Lot 71 KS10 Lancaster New City, Brgy. Navarro, Gen. Trias City, Cavite, at Jay Lawrence Otamias, 30, may asawa, bus driver, ng Brgy.
Alapan, Imus City, Cavite dahil sa reklamo ng asawa ng una na si Alvin Roel Cublan, 40, may asawa, isang overseas Filipino worker (OFW).

Sa ulat ni PSSgt Mark Joseph Arayata, ng Kawit Municipal Police station, alas-12:15 kahapon nang hatinggabi nang arestuhin ang dalawa sa loob ng Room 31 Intown Motel, Brgy. Putol, Kawit, Cavite.

Nauna dito, sinundan ni Alvin ang kanyang asawa hanggang sa pumasok ito kasama si Otamias sa loob ng nasabing motel.

Humingi si Alvin ng tulong sa pulis at mga barangay tanod sa lugar.

Pinuntahan ang motel saka kinausap ang bellboy na siyang kumatok sa pinasukang kuwarto ng dalawa kung saan naabutan pa ang babae na nakahiga sa kama at walang saplot sa katawan dahilan upang sila’y arestuhin.

“May nagsumbong sa kanya (Alvin) na may kinalolokohang driver ang kanyang asawa kaya umuwi lang siya mula abroad upang hulihin ang kanyang mi­sis,” ayon kay Arayata. (Gene Adsuara)