Abante Tonite Interactive

Esmi ng hinuling drug suspect, ni-rape ng mga tanod

713

Rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng pitong tanod makaraang kikilan ang inarestong drug suspect at pagsamantalahan pa ang misis nito sa Barangay Commonwealth, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na naka-base sa Quezon City, inireklamo umano ng isang ginang na itinago sa pangalang Susan, ang mga tanod na sumalakay sa kanilang bahay at inaresto ang kanyang mister dahil kasama umano ito sa drug watch list.

Dinala ang mister ni Susan sa barangay hall at iginiit na may nakuhang shabu sa asawa nito at upang hindi na ito kasuhan at ikulong ay humingi umano ang mga tanod ng halagang P50,000.

Dahil wala umanong pera, inialok na lang ng mag-asawa ang kanilang motorsiklo pero tinanggihan ito ng mga tanod at inutusan si Susan na maghagilap ng pera sa mga kaanak.

Sinamahan ng mga tanod si Susan pero sa halip na magtungo sa kaanak ay nagulat na lang ang ginang nang sapilitan siyang dalhin sa motel, at doon ay halinhinang ginahasa ng dalawa sa mga suspek.

Matapos ay nagsumbong ang mag-asawa sa CIDG at naaresto ang tatlo habang isinuko naman ng kanilang Barangay Chairman na si Manuel Co ang apat pang tanod kabilang ang dalawang sinasabing nang-rape (pansamantalang ‘di pinangalanan) sa misis ng naarestong drug suspect.

Inihahanda na ng CIDG ang reklamong rape at robbery extortion laban sa pitong suspek. (Dolly Cabreza)