Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Esmi ni Aiza pabida sa shooting

0 471

Inulan ng mga batikos ang guidelines na inilabas ng tanggapan ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairperson at chief executive officer Liza Diño na gagabay sa mga live production event pati na ang mga shooting para sa telebisyon at advertising.

Sa isang pahayag, nanawagan ang mga film worker na ibasura ang joint administrative order ng FDCP, Department of Health, at Department of Labor and Employment (DOLE) na inilabas noong Hunyo 7 dahil hindi umano ito akma sa tunay na nangyayari sa industriya.

Sabi ng Film Workers Unite (FWU), mas ilalagay sila sa panganib nito dahil pinapayagan ng guidelines ng FDCP ang paglipat-lipat ng lugar ng shooting sa loob ng isang araw dahil lalo lang nito ipapahamak ang kanilang kalusugan.

Tila nanghihimasok din umano ng kapangyarihan ang FDCP sa administrative order dahil inoobliga nitong irehistro sa kanila maging ang mga online panel discussion pitong araw bago ito mangyari.

“Ang ganitong malawak at hindi malinaw na saklaw ng kapangyarihan ay mapanganib na panunukso sa gobyerno upang kontrolin ang malayang paghahayag,” sabi ng FWU. “Sa demokrasya, hindi maaring isang tao lang ang gagawa ng mga desisyon.”

Ayon sa FWU, nagalak pa naman sila nang inakala nilang magkakaroon ng konsultasyon ngunit sa halip na gawin ito, pinulong lang sila ng FDCP para ipakita ang guidelines at binalewala ang dayalogo kung saan puwedeng magbigay ng kanilang pananaw ang iba’t ibang sektor ng industriya.

Nagpahayag naman ng suporta ang Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa FWU at nanawagan din itong ibasura ang joint administrative order at konsultahin ang iba’t ibang sektor ng industriya.

Sabi ng CAP, maraming kaduda-dudang probisyon ang kautusan na lampas na sa kapangyarihan at mandato ng FCCP tulad ng pakikialam sa mga live event. Tutol din ang CAP sa pag-oobliga sa kanila na magrehistro at mag-ulat dito isang linggo bago mag-shooting.

Una na ring hiniling ng Directors Guild of the Philippines sa DOLE, DOH at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at iba pang regulatory body ng gobyerno na konsultahin ang mga industry stakeholder sa halip na FDCP dahil hindi naman umano nito kinakatawan ang mga film worker at producer hinggil sa mga usaping may kinalaman sa regulasyon ng industriya.

Subalit giniit naman ni Diño na kinonsulta ang mga ahensya at industry stakeholder hinggil sa mga inisyatiba ng FDC para sa health at safety

Samantala, nakarating na rin sa Malacañang ang isyu at sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na aayusin nila ito.

“Titingnan po natin kung merong dapat repasuhin dito,” pahayag ni Roque sa online press briefing nitong Huwebes.

“Magkakaroon po ng mas mahaba pang usapin sa panig po ng [Departments of Labor and Employment, Trade and Industry, and Health] at yung mga stakeholders po sa ating film at TV industry,” aniya pa.

Si Diño ay asawa ng singer na si Aiza Seguerra.(Eileen Mencias/PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.