Abante Tonite Interactive

Espejo, pinalakas ang men’s volleyball team sa SEA Games

0 207

Magsusuot ulit ng uniporme ng Pilipinas si Marck Espejo matapos na hindi makalaro sa huling edisyon noong 2017 sa Malaysia sa pangunguna nito sa Philippine men’s volleyball team na sasagupa sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre.

Matatandaan na hindi nakalaro si Espejo sa pambansang koponan na tumapos na ikalima sa Malaysia dahil sa pagbibigay prayoridad nito sa Ateneo.

Gayunman, ang four-time Spikers’ Turf MVP ay magbabalik serbisyo para sa bansa sa pakikipareha nito sa matindi na frontline kasama si Bryan Bagunas.

Una nang nagpakita ng kanilang katatagan ang dalawa matapos maghulog si Espejo ng 35 puntos habang si Bagunas ay may 22 marka para sa pambansang koponan na nag-uwi ng tansong medalya sa paglahok nito sa 2019 Sealect Tuna Championships nito lamang Hulyo.

Si Bagunas, na kasalukuyang naglalaro sa Japan para sa Oita Miyoshi Weisse Adler, ay babalik sa bansa sa Nobyembre 25.

Ang pambansang koponan ay binubuo nina team captain John Vic De Guzman (PLDT), two-time Spikers’ Turf MVP Ran Abdilla (Air Force), Mark Alfafara (PLDT) at Joshua Umandal (PLDT).

Ang five-time UAAP Best Setter Ish Polvorosa (Cignal) kasama si Jessie Lopez (Air Force) at Joshua Retamar (Sta. Elena-NU) ang magiging setter para sa Nationals.

Ang bumubuo sa 14-man line-up ay sina middle blocker Kim Malabunga (Air Force), Francis Saura (Air Force), at Rex Intal (Cignal) kasama sina Ricky Marcos (Sta. Elena-NU) at Jack Kalingking (Philippine Navy).

Hindi naman nakasama sina Kim Dayandante (PLDT) at Peter Torres (Cignal). Si Torres ay may iniindang sakit na pneumothorax simula pa Agosto 15.

Gigiyahan naman ang koponan ni dating national team member at multi-titled head coach Dante Alinsunurin.

Ang men’s volleyball tournament sa SEA Games ay magbubukas simula Nobyembre 28. (Lito Oredo)