Abante Tonite Interactive

Espenido ginigiba, siningit sa narco list

875

Ni Nancy Carvajal

Malilinis na umano ang pangalan ni Lt. Col. Jovie Espenido at maaalis na sa listahan ng mga binansagang narco cop matapos na sumailalim at makapasa sa polygraph at lifestyle check.

“Espenido passed the polygraph and the lifestyle test and will soon be removed from the list,’’ ayon sa isang source sa loob ng Philippine National Police .

“He will be cleared. He should not have been included in the first place, but there are influential personalities he hurt in the past that insisted to include him in the list as payback,’’ sabi pa ng source.

Sinabi ng source na may maimpluwensyang personalidad ang nais na sirain at gibain si Espenido at ito ang utak kung bakit ito napasama sa listahan ng 357 pulis na iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Si Espenido na dating chief of police ng Albuerra, Leyte ay nagsumite ng ‘blue book’ ni dating Mayor Rolando Espinosa na umano’y naglalaman ng mga personalidad na sangkot sa droga sa Visayas at Mindanao.

Isinangkot at isinama umano sa listahan ng mga narco police si Espenido ng mga dating PNP official na ngayon ay nakatalaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang PDEA ang pangunahing ahensya na gumawa ng listahan ng mga sangkot sa droga makaraang ibasura at isinama sa blacklist ang naunang lista­han dahil sa pagiging ‘unreliable’.

Taong 2017 nang makatanggap ng mga award si Espenido dahil sa matagumpay na anti-illegal drug campaign ng Duterte administration kung saan pinangakuan ito ng promosyon.

Gayunman, umabot umano ng 2 taon bagong napatupad ang pagtataas ng ranggo ni Espenido.
Magugunitang ikinagulat ng Malacañang ang ulat na kasama si Espenido sa mga narco cop at ang pagkakasibak dito sa Bacolod City Police Office.