Abante Tonite Interactive

Espenido sinangkot sa ‘narco cops’

636

Ikinagulat ng Malacañang ang ulat na kasama diumano ang pangalan ni Lt. Col. Jovie Espenido sa 357 pulis na iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ngayon [kahapon]
lamang niya nalaman ang ulat kaya’t tatanungin nito si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.

Parang imposible aniyang mangyari ito subalit magsasagawa sila ng beripikasyon hinggil sa nasabing ulat.

“If that is officially received by the Office of the President, the President will investigate. Parang imposible na mangyari ‘yun. Hindi ko alam kung hindi kasali, but I’m telling you is we have to validate that. We will check kung totoo o hindi. Iba-validate natin ang veracity ng report,” ani Panelo.

Maging ang pagkakasibak kay Espenido ay ikinagulat din ng kalihim dahil sa buong pagkakaalam nito ay nasa Iloilo ang police official.

Unang lumabas ang report tungkol kay Espenido sa Rappler kaya sinabi ni Panelo na kuwestiyonable ito dahil kilala aniya ang online news agency sa fake news. Sa naturang ulat, dalawang police general umano ang nagsabing nasa listahan ng 357 narco cop si Espenido.

“Galing pala sa Rappler. ‘Pag ga­ling sa Rappler eh kuwestiyonable. I’m saying that if its coming from Rappler which is known for the spreading fake news, medyo I will have to confirm whether true or not,” dagdag pa ni Panelo.

Samantala, sa text message kay Espenido ng PNP Press Corps kahapon, Peb­rero 12, hindi ito nagbigay ng komento sa pagtatanong sa kanyang ng mga mamamahayag sa halip ay sinabing bahala na si PNP Director Ge­neral Archie Gamboa ang magkumpirma hinggil sa nasabing isyu.

“Please tanungin n’yo na lang si Chief PNP right after ma-confirmed n’yo magsasalita na ako,” pahayag ni Espenido sa kanyang text message.

Matatandaang sinibak ni Gamboa sa kanyang puwesto si Espenido bilang deputy director for operations ng Bacolod City Police. Nabatid na inilipat ito sa Office of the PNP Chief batay sa PNP Directorate for Personnel and Records Management.

Pero hindi sinabi kung ano ang dahilan ng paglipat kay Espenido sa opisina ni Gamboa. (Edwin Balasa)