Abante Tonite Interactive

Espino convoy kinana ng gun-for-hire

0 468

Sinisilip ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na kagagawan ng mga gun-for-hire ang nangyaring pananambang sa convoy ni dating Pangasinan Congressman Amado Espino Jr. kamakalawa nang hapon na ikinasawi ng isa niyang bodyguard at ikinasugat ng apat pa nitong kasama.

“Based on our assessment, talagang gun-for-hire group na hindi sila pipichugin. Based sa mga gamit na nakuha natin na high-powered, eh mga bago. Saka mga kilos nila tinitingnan natin maganda ang planning,” pahayag ni Pangasinan police chief Col. Rederico Maranan sa press briefing.

Kasabay nito’y ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde ang manhunt operation sa mga may kagagawan ng krimen.

Ayon kay PNP Spokesperson Brig. General Bernard Banac, bumuo na si Albayalde ng Special Investigation Task Group (SITG) Espino na pangungunahan ni P/Col. Redrigo Mara­nan, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 1.

Ligtas naman na sa tiyak na kamatayan ang dating gobernador matapos siyang ambusin habang sakay ng kanyang Toyota Land Cruiser sa Brgy.

Mataking, San Carlos City, Pangasinan.
Klinaro naman ni San Carlos City Mayor Julier Resuello na isa lamang sa mga bodyguard ni Espino ang namatay at hindi lima na unang napaulat.

Sugatan si Espino at apat nitong bodyguard habang patay naman si Patrolman Richard Esguerra matapos ratratin ng tinatayang pitong suspek na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Nabatid pa na bago ang tangkang pagpatay kay Espino ay nakakatanggap na umano ito ng death threat.

Napag-alamang tinakpan si Espino ng kanyang mga bodyguard kaya hindi siya gaanong napuruhan.

Agad na dinala sa Holy Blessed Family Hospital (HBFH) sa nasabing siyudad ang dating opisyal.

Nagtamo ito ng bala ng baril sa kamay at katawan ngunit tiniyak ng mga medical expert ng HBFH na ligtas na ito.

Ayon naman kay Maranan, natagpuan na ng pulisya ang dalawang sasakyan na ginamit na getaway ng mga suspek kahapon, unang narekober ang pulang Hyundai Elantra na may conduction sticker na MR6 318 sa Brgy. Cobol sa San Carlos City at nakuha sa loob nito ang tatlong M16 armalite rifle at mga magazine nito.

Sunod na narekober ng pulisya ang kulay Grey na Ford Everest na may conduction sticker na COL 613 sa Brgy. Pasima sa bayan ng Malasique at nakuha sa loob nito ang dalawang M16, dalawang M14 at isang Granada.

Patuloy namang nirerebyu ng pulisya ang mga closed-circuit television camera sa paligid ng lugar gayundin ang mga dash cam ng mga sasakyan ng mga biktima, gayundin ang mga pahayag ng mga saksi sa insidente
“Rest assured we are doing everything to solve this case,” pahayag ni Maranan habang binigyan na niya ng police security ang pamilya ni Espino.

Matatandaang si Espino ay nagsilbing governor at dating congressman ng 5th District ng Pangasinan. Muli itong tumakbo bilang kongresista ngunit tinalo siya ni Ramon Guico III.

(Edwin Balasa/Allan Bergonia)