Abante Tonite Interactive

eSports sa mga unibersidad

197

LITO OREDO

Madalas na sinasabi sa kabataan na walang mararating sa paglalaro ng video games at mas mainam na mag-aral na lang upang marating ang magandang bukas.

Tila magkasama na ngayon ang dalawang punto dahil marami nang mga paaralan at institus­yon ng hindi lang sa Pilipinas kundi sa maraming bahagi ng mundo ang nagsisimulang ituro ang mga programa ng eSports at nagbibigay na rin ng mga scholarships sa mga estudyante na mahuhusay sa iba’t ibang kinagigiliwang laro rito.

Ilang organisasyon sa bansa ang nakatakdang maglunsad ng mga torneo na kabilang ang mga pangunahing unibersidad at kolehiyo sa mga susunod na mga buwan.

Hindi na ito kaiba sa mga malalaking eskuwelahan sa labas ng bansa na nagtuturo na rin ng mga laro sa eSports gaya ng University of California sa Irvine, Robert Morris University, University of Pikeville, Columbia College at WME-IMG Academy ng US, ang Garnes Vidaregaande Skule sa Norway, at Arlanda Gymnasiet School sa Sweden.

Nagsimula ang pagbibigay ng pormal na edukasyon sa eSports ng UCLA noong Marso 2016 kung saan itinala ito bilang unang pampublikong unibersidad na nagpasimula ng League of Legends eSports scholarship program.

Ang RMU na isang non-profit private university sa Chicago ang unang kolehiyo sa US na nagbigay ng eSports programme na may malawak na scholarships para sa mga mahuhuay na estudyante sa competitive gaming lalo na sa League of Legends.

Binubuo ang scholarship programme ng 50% sa tuition, room at boarding costs. May full access din ang mga scholar sa built-in facilities at professional coaching.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa malawak na paligid ng eSports na kinabibilangan din ng mga teknolohiya, bagong ideya, modernong mga kagamitan at makabagong imbensyon na kung susumahin ay parte na ng edukasyon.

Maliban pa rito ang malalaking torneo sa buong mundo na may nakatayang milyon-milyong dolyares na napapanalunan ng mga mahihilig sa iba’t ibang laro sa video at digital gaming.

Ating babantayan kung katulad nila ay naka­tuon din ang bansa sa pagbubukas sa makabagong laro at edukasyon sa eSports.