Abante Tonite Interactive

eSports sa PISCUAA, PCCL

317

LITO OREDO

Dalawang asosasyon na namamahala sa pagsasagawa ng iba’t-ibang sports at binubuo ng unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ang nakatakdang magpasimula ng kanilang liga at mga torneo sa electronics sports o eSports sa lalong madaling panahon.

Ito ay ang PhilippineCollegiate Champions League (PCCL) na magsasagawa ng limang yugtong torneo sa mga piling lugar sa bansa at ang Philippine Inter Schools Colleges and Universities Athletic Association (PISCUAA) na iikot sa apat na malalaking isla sa Pilipinas.

Ang PCCL ay magkakaroon ng torneo sa Luzon, National Capital Region, Cebu at Davao habang mga piling pribadong eskuwelahan ang makakasali lamang sa gaganapin sa Cagayan de Oro.

Sisimulan naman ng PISCUAA sa buwan ng Hunyo ang mga palaro sa eSports sa Luzon, Visayas, Mindanao at sa NCR.

Sinabi nitong Linggo ni PISCUAA Marke­ting and Operations Director Dennis Cordero na maliban sa eSports, may pa-swimming, arnis, taekwondo, karatedo at basketball 3X3 din sila.

Ilang liga na ang nagtangka na magpa-eSports sa bansa, partikular sa mga unibersidad, pero mga nabigong mailunsad dahil sa mga kinakaharap na iba’t-ibang polisiya na posibleng makakaapekto sa mga kabataang estudyante.

Samantala’y isang organisasyon sa bansa ang nais mapabilang sa isang eSports international federation.

Hangad ng grupong mahilig sa video games na makapasok sa Electronic Sports World Federation at maging international federation o IF ito na kinikilala ngayong millenial sport.

Organisado na ang Asian Electronic Sports Federation na namahala sa 2018 Asian Games sa Indonesia kahit patuloy na nag-aagawan ang ilang organisasyon na maging IF para sa International Olympic Committee.

Harinawa ay agad na malinawan ang direksiyon ng kinagigiliwan ngayon ng mundo na eSports.