Abante Tonite Interactive

eSports sali sa 2024 Paris Olympics

1,000

Hindi na lang sa nalalapit na 2018 Asian Games sa Indonesia isasagawa ang electronic sports o eSports.

Naka­takda na ring magkita-kita ang mga video gamer sa matinding kompetis­yon sa Olympic medals sa 2024 sa Paris.

Isasagawa ngayong taon bilang demonstration sports at paglalaban ang apat na laro sa eSports sa ika-18 edisyon ng Asiad. Ito ang unang pagkakataon na maglalaba­nan sa kada apat na taong palaro ang mga Asyano sa mabilis na nagi­ging popular at inaasahang magiging multi-bilyong industriya na eSports.

Ipinaalam ni Tony Estanguet, co-president ng Paris Olympic Committee, sa ulat ng The Associated Press, na kakausapin niya ang mga kinatawan ng eSports gayundin ang International Olympic Committee upang mapabilang ang sports na ‘gaming’ sa mga regular na medal sports sa taong 2024.

Bagaman patuloy ang diskusyon kung kikilalanin bilang isang bagong sports, isa sa mga batayan ang mala­wakan at mabilis na pag­lobo ng popularidad ng eSports sa paghakot ng milyong kabataan sa mga arena ng bawat torneo, dahilan upang isama ito sa Asiad.

Nakatakda na rin itong maging isang regular sport sa 2022 edisyon bagaman hindi pa tukoy kung ilang laro ang pag­lalabanan.

Ang Paris, France ang magiging host ng 2024 Games matapos itakda ng IOC sa pagpupulong nito sa Lima, Peru na rito’y pumayag ang karibal sa hosting na Los Angeles, na akuin na lang ang 2028 Games.

Hindi napag-iiwanan ang ‘Pinas sa larangan ng eSports.

Sa katunayan ay ma­rami ng propesyonal na atleta ang nakikipaglaban sa nakatakdang malala­king torneo sa labas ng bansa dahil sa limitado at kakulangan ng mga nag-oorganisa ng mga laro sa bansa.

Tiwala si Estanguet na ang labanan at pagalingan sa teknolohiyang digital games ang dapat ikonsidera na lehitimong sports kung nais ng Olympics na maisali at maisama ang bagong henerasyon ng mga mahihilig sa sports.

“The youth, yes they are interested in esport and this kind of thing. Let’s look at it. Let’s meet them. Let’s try if we can find some bridges. We have to look at it,” giit ni Estanguet.

Marahil, dapat na bigyan ng tsansa ng namumuno sa sports sa bansa ang posibilidad na magmula sa eSports ang kasaysayan na masungkit ang pinakaunang gold medal ng bansa at tuluyang putulin ang pagkauhaw sa Olimpiada.