Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Essential travel lang talaga muna

0 167

Hindi pa puwede ang biyaheng gala-gala lang.

Sa Metro Manila ay ramdam na ramdam na ang pagluluwag ng mga awtoridad sa mga sasakyan dahil bumigat na ang daloy ng trapiko sa halos lahat ng lansangan, ‘ika nga eh ramdam na ang pulso ng muling paggalaw ng ekonomiya dahil sa pagsikip ng mga kalsada.

Pero ibang-iba pa rin ang situwasyon kapag gusto ng motorista na lumabas ng Kamaynilaan para subukan ang pagbiyahe ng malayo-layo para malaman ang kondisyon ng kanilang sasakyan matapos ang halos sampung buwan na ng pagkakatengga.

Sa mga bibiyahe patungo ng Norte, dapat po na huwag na muna ninyong ituloy dahil magpahanggang sa ngayon ay tanging essential travel pa rin lamang ang pinapayagan.

Ang essential travel, kung ang motorista ay kawani o opisyal ng pamahalaan, ay nangangailangan ng karampatang mga dokumento bukod pa sa ibang mga papeles na maaring hingin sa inyo ng mga nagbabantay sa checkpoints.

Sa aking paglalakbay patungo ng Cagayan Valley nitong nakaraang weekend, personal kung nakita na ang checkpoints na pinapairal ay makikita sa mga boundaries ng bawat lalawigan, halimbawa kung patungo ka ng Cagayan, sasalang ka checkpoint sa Tarlac, /Nueva Ecija, Vizcaya, Isabela at Cagayan.

Related Posts

Kaya kung plain gala lang ang pakay, makabubuting huwag na muna itong ituloy.

Ganoon din ang mga tutungo sa Pangasinan at Baguio dahil sa bandang Rosales pa lamang, loob at labas ng expressway ay may mga nagbabantay na pulis at awtomatikong u-turn ang mga motoristang hindi pasok sa kategorya ng essential travel.

Ang medyo may kaluwagan ay ang Pampanga dahil minsang pumasok ako sa Clark ay tinanong lang ako kung ano ang gagawin at nang sabihin kong kakain lang ay pumayag na agad ang nasa checkpoint.

Para po maiwasan ang perhuwisyo ay makontento na sa malapit na biyahe na lamang muna dahil hindi na rin naman siguro magtatagal at matatapos na ang problema sa COVID-19 bunga ng paglabasan na ng mga bakuna.

Kung tayo ay nakatiis ng maraming araw na nakatengga lamang sa loob ng ating mga kabahayan, hindi naman siguro masamang dagdagan ng kaunting panahon pa ang paghihintay para masiguradong ligtas na nga tayo.

Papunta na po tayo sa maayos na situwasyon at kung magpapatuloy ang ating pagsunod sa mga pinapairal na disiplina laban sa COVID-19, paniguradong mas mapapaaga pa ang paglabas natin sa kagubatan ng pangamba at panganib.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.