Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Estafa, sugal, nakaw wala na kulong

0 492

Inaprubahan ng Supreme Court (SC) ang guideline para sa pagpataw ng community service sa halip na parusang pagkabilanggo para sa mga minor offense simula sa Nobyembre 2, 2020.

Nabatid na Martes nang aprubahan ng SC en banc ang guideline para sa implementasyon ng Republic Act No. 11362 o Community Service Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2019.

Sa ilalim ng batas, maaaring patawan na lamang ng community service sa halip na pagkabilanggo ang mga pagkakasala na may katumbas na parusang arresto menor (isa hanggang 30 araw na pagkabilanggo) hanggang arresto mayor (isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan) subalit may mga kaakibat na kondisyon.

Ayon sa SC, ang community service ay dapat gawin sa lugar kung saan naganap ang krimen. Ang korte rin ang magtatakda kung ilang araw at oras ang community service at isasailalim sa superbisyon ng probation officer.

Isasailalim rin sila sa rehabilitasyon at counselling ng city o municipal social welfare and development officer.

Inaasahan na sakop ng guideline ang mga krimen na katulad ng disobedience to summons by a legislative body, resistance and disobedience to a person in authority, alarm and scandal, giving false testimony, gambling, less serious and slight physical injury, trespass to dwelling, light threat, grave coercion, theft, at estafa (small value), slander, at iba pa.

Subalit maaaring arestuhin muli ang lalabag sa mga termino ng community service o hindi na lamang palalabasin muna ng kanyang bahay.

Nabatid na hindi pa nakapaglabas ang SC ng kopya ng guideline pero base sa pahayag ng Court Public Information Office, inoobliga ang mga hukom na ipaalam ito sa mga akusado sa open court na maaari silang mag-apply para sa service of penalty sa pamamagitan ng community service. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.