Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Estapador na Koreano ipatatapon ng BI

0 58

Nakatakdang sipain ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean (SoKor) national na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pandaraya at panghuhuthot sa apat nitong kababayan.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang hinuling dayuhang pugante na si Kim Byunggon, 41-taong gulang, nakakulong ngayon sa detensiyon ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Noong Hunyo 2, inaresto ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit ang Koreano sa loob ng isang mall sa Brgy. Apas, Cebu City sa bisa ng isang mission order na inilabas ni Morente sa hiling na rin ng SoKor.

Hiniling ng mga awtoridad ang pag-aresto at deportasiyon ni Kim dahil sa isang arrest warrant na inisyu laban dito ng isang Korean court kung saan ito sinampahan ng large-scale fraud.

SM food to go Banner Ad

Nabatid na si Kim ay isang overstaying alien at wala ring dokumento dahil sa pagbawi sa kanyang pasaporte ng gobyerno ng South Korea.

“He will be placed on our immigration blacklist to prevent him from re-entering the country,” ani Morente.

Ayon sa BI, si Kim ay paksa ng isang Interpol blue notice na inilabas noong Marso 2021 sa kahilingan ng gobyerno ng SoKor. Mula Nobyembre 2019 at Enero 2020, inakit umano ni Kim ang apat na biktima na mamuhunan ng pera sa isang stock investment firm na sinasabing balak niyang itayo at patakbuhin.

Pinangako niya na ang kanilang pera ay kikita ng interes bukod sa kanilang pagiging shareholder sa nasabing negosyo. Nilipat ng mga biktima sa bank account ni Kim ang kanilang pera na nagkakahalaga ng halos 229 milyon won o P9.8 milyon pagkatapos ay tumakas at tumakbo sa Pilipinas. (Mina Navarro)

Leave A Reply

Your email address will not be published.