Abante Tonite Interactive

Estasyon ng pulis sa Butuan nilusob ng 40 NPA

By
462

Nilusob ng tinatayang 40 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang estasyon ng pulis kahapon ng umaga sa Butuan City.

Ayon kay Chief Supt. Noli Romana, regional director ng Caraga -PNP, dakong alas-9:30 ng umaga nang lusubin ng mga armadong NPA ang police station 5 ng Butuan City-PNP na matatagpuan sa Barangay San Mateo.

Bagama’t kulang sa bilang ay mabilis na nakadepensa ang pulisya dahilan upang magkaroon ng palitan ng putok sa dalawang panig na tumagal nang halos 20 minuto bago umatras ang mga terorista pabalik sa kabundukan.

Wala naman umanong nasugatan o nasawi sa mga pulis ayon kay Romana habang pinaniniwalaang may mga sugatan sa panig ng NPA na patunay umano ng mga marka ng dugo na nagkalat sa lugar ng engkuwentro.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang clearing ­operation ng pulisya habang nagsasagawa ng operasyon ang mga ito upang mahabol ang mga tumakas na mga terorista.