Abante Tonite Interactive

Estudyante, babaeng kasabwat sa overpricing ng face mask kalaboso

0 630

Laglag sa entrapment operation ng mga pulis ang dalawang katao na nagbebenta ng overpriced na face mask at iba pang medical supply sa Binondo, Maynila noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Jun Martin Lim y Chen, 22, estudyante na taga-Sta. Cruz, Maynila, at Nina Ong, 38, merchandise caretaker at nakatira sa Binondo.

Nahulihan sila ng 11 kahon na naglalaman ng 7,150 piraso ng face mask, anim na kahon o 36,000 pares ng latex examination glove, tatlong kahon ng mga personal protective equipment/surgical suit, siyam na kahon o 355 unit ng infrared thermometer, at limang kahon o 230 pack ng disposable face mask,

Narekober din ng mga awtoridad ang P1 milyong marked money na ginamit sa pagbili sa mga suspek pero P1,000 lang dito ang totoong pera.

Batay sa ulat, dakong alas-5:15 ng hapon nang maganap ang bilihan sa HS Commercial Tower sa Alvarado Street, sakop ng Barangay 292, Binondo.

Sanib-pwersa ang mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Manila Police District (MPD) kasama si Atty. Jojo Jacob ng Department of Trade and Industry (DTI) nang arstuhin ang suspek na si Lim at ang kasabwat na si Ong.

Kaugnay nito, umapela naman sa publiko si NCRPO director Major General Debold Sinas na sa halip maging suwapang sa pera at magsamantala sa krisis ay tumulong na lang na mapigilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Our front liners and the public needs protective equipment yet some greedy persons hoard and resell these precious commodity for profit. Please, let us stop this. Let us help out each other instead. This is the only way to surpass this pandemic,” pakiusap pa ni ni Sinas.

Samantala, sasampahan ng demanda sa Manila Prosecutors Office ang dalawang suspek dahil overpricing at profiteering o sa paglabag sa Republic Act No. 7394 (Consumer Act of the Philippines) at RA 7581 (Price Act). (Armida Rico)