Abante Tonite Interactive

Estudyante binentahan ng shabu ang pulis

203

Isang estudyante at isa pang binata ang naaresto sa pagbebenta umano ng iligal na droga sa magkahiwalay na ikinasang buy-bust operation sa Pasay City at bayan ng Pateros kamakalawa nang gabi.

Kinilala ni P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police ang naarestong suspek na si Jomar Candido y Loro alyas ‘Jomar’, 18, student (ALS) at residente ng Block 7, Lot 10, Saint Mary St., Brgy. 178, Zone 19 sa nasabing lungsod.

Sa ulat, alas-11:55 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa pangunguna ni Captain Deni Mari Pedrozo sa St. Mary St. Brgy. 178, Zone 19, Maricaban sa Pasay City na ikinaaresto ni Candido.

Sinabi ni Yang na binentahan umano ng suspek ng droga si P/Cpl. Cleophas Cabasag na nagsilbing poseur buyer sa lugar hanggang sa narekober ang tatlong selyadong pakete na naglalaman ng umano’y shabu na may timbang na 1 gramo na nagkakahalagang P6,800 at P500 buy-bust money.

Samantala, bandang alas-9:00 ng gabi nang dakmain ng mga operatiba ng Pateros Police Station ang suspek na si Marvin Geronimo y Santos alyas ‘Briget’, 33, na kabilang sa drug watchlist sa ikinasang buy-bust ope­ration sa E. Quiogue St., Brgy. Aguho sa nabanggit na munisipalidad.

Nakumpiska sa suspek ang P200 buy-bust money at dalawang pakete ng umano’y shabu na sanhi ng kanyang agarang pagkakaaresto. (Armida Rico)