Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Estudyante binurdahan ng saksak

0 137

Nagkabutas-butas ang katawan ng isang estudyante makaraang burdahan ng mga saksak ng tatlong kalalakihan, Huwebes ng madaling-araw, sa isang kalsada sa Malabon City.

Dead on the spot si Michael Legazpi, 18-anyos, residente ng Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.

Sa ulat ni P/Major Sonny Boy Tepace ng SOCO, nagtamo ang biktima ng 10 malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinamatay nito.

Samantala, kinasuhan na ng Malabon Police ng murder ang tatlong suspek, kung saan isa lamang ang nakilala: si Erron Fulgar, 31, kalugar ng biktima.

Sa salaysay ni Emelinda Legazpi, 56, ina ng biktima kay P/SSg. Ernie Baroy ng Station Investigation Unit, nagising siya dahil sa ingay at sigawan ng kanyang mga kapitbahay sa kahabaan ng Sacabica St., Dumpsite, Brgy. Longos, Malabon City, dakong alas-3:30 ng madaling-araw.

“Lumabas po ako para alamin kung bakit may gulo at nakita ko ‘yong tatlong lalaki na may sinasaksak ding lalaki.”

Sa takot ng ginang na madamay, pumasok na siya sa loob ng bahay para ipagpatuloy ang pagtulog pero ilang sandali lang ang lumipas ay may nagpunta sa kanyang bahay at sinabi na nasaksak daw ang kanyang anak.

Dali-daling lumabas ng bahay si Nanay Emelinda at pinuntahan ang lugar na pinagmulan ng gulo hanggang sa makita na duguang nakahandusay sa semento si Michael at wala nang buhay. Napahagulgol ang ina sa sinapit ng anak.

Samantala, tinutugis na ng mga pulis si Fulgar at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong kasamahan.

Hindi rin binanggit ang motibo sa pagpatay sa estudyante. (Orly Barcala)

Leave A Reply

Your email address will not be published.