Abante Tonite Interactive

Estudyante nilunod ang sarili sa sobrang deperesyon

By
1,382

Dahil sa labis na kalungkutan matapos mamatay ang kanyang mga magulang at kuya, nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog ang isang dalagitang estudyante sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Alyssa Albarico, residente ng Brgy. Bignay sa nasabing lungsod.

Sa report ni PO2 Regor Germedia, nakita ng saksing si Teofila Marcos na tinatangay ng malakas na agos sa Polo River ang dalagita at nakataas ang mga kamay nito na tila humihingi ng tulong.

Agad na ipinagbigay-alam ni Marcos sa Valenzuela City Rescue Team at Philippine Cost Guard na malapit sa kanilang lugar ang insidente at mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad. Pero nahirapan ang mga rescuer na mahanap ang dalagita dahil maraming water lily sa Polo River at alas-12:15 na ng tanghali narekober ang bangkay nito.

Nalaman sa pagsusuri ng Northern Police District-Crime Laboratoy na walang mga sugat sa katawan ang dalagita at pagkalunod lang talaga ang ikinamatay nito.

Naniniwala naman sina Anthony Albarico at Fe Mackay, mga kapatid ng dalagita, na sinadya nitong tumalon sa ilog. Nakararanas daw ng matinding depresyon ang dalagita simula nang mamatay ang kanilang mga magulang at kapatid na lalaki nitong nakalipas na taon.

Dahil sa labis na kalungkutan, nagkaroon ito ng diperensiya sa pag-iisip at ipinagamot nila sa National Center for Mental Health.