Abante Tonite Interactive

Estudyante niluray ng senior high school teacher

By
0 287

Nalambat sa loob ng boarding house ang isang senior high school teacher matapos halayin ang kanyang 17-anyos­ na estud­yante isang taon na ang nakararaan kahapon nang umaga sa San Juan City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director, PC/Supt. Christopher Tambungan, nakilala ang suspek na si Zamir Laud, 27, science and research teacher ng San Juan City National High School at taga-Barangay Sta. Lucia, San Juan City.

Ayon kay San Juan City Police Chief, PS/Supt. Ariel Fulo, inaresto si Laud ng mga tauhan ng San Juan City Police Warrant and Subpoena Unit sa loob ng boarding house nito sa Brgy. Sta. Lucia Biyernes nang umaga.

Sa record ng korte, inakusahan ng biktima ang kanyang teacher na panggagahasa noong Agosto 13, 2018 nang magtungo ito sa boarding house ng kanyang guro bandang alas-sais nang gabi para humingi ng advise sa problema sa subject.
Ngunit hindi nito inaasahan na puwersahin umano siya ng guro, paghahalikan at gahasain. Tinakot pa umano siya ng guro na ibabagsak sa klase ‘pag nagsumbong.

Hindi naman nakatiis ang estudyante at isinumbong sa iba pang guro ang sinapit at sabay na dumulog sa pulisya.
Todo tanggi naman ang suspek sa bintang subalit suportado ito ng kapwa guro para idiin si Laud.

Nagpositibo naman sa medico-legal ng Phili­ppine National Police (PNP) Crime Laboratory na hinalay ang biktima.