Abante Tonite Interactive

Estudyante ‘sumakay’ sa puting van kinasuhan

362

Nahaharap sa kasong alarm and scandal na konektado sa Cybercrime Prevention Law ang isang 21-anyos na lalaking estudyante na nag-imbento umano sa Facebook post nito na muntik na siyang ma-kidnap ng mga lalaking sakay ng puting van sa Danao City, Cebu.

Ang estudyante na sadyang hindi pina­ngalanan ng pulisya ay umamin na umano kay Danao City Police chief Police Lt. Col. Maribel Getigan kahapon na hindi totoo ang kanyang FB post.

Ayon kay Getigan, dahil sa FB post ng nasabing estudyante ay naalarma ang mara­ming residente gayundin ang pamahalaang lokal.

Bagama’t humi­ngi na ng tawad ang 21-anyos na lalaki sa kanyang nagawang kasalanan ay itutuloy pa rin ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban dito ngayong araw o sa Biyernes upang hindi na umano ito pamarisan pa.

Plano rin umano ng pulisya na isailalim ang nasabing lalaki sa psychological intervention upang malaman ang estado ng kaisipan nito.

Hindi naman isasama ng pulisya sa kaso ang iba pang netizen na nag-share ng FB post ng lalaki dahil naalarma lang umano ang mga ito kaya naikalat ang post ng suspek. ­(Edwin Balasa)