Abante Tonite Interactive

Estudyanteng supplier ng marijuana kalaboso

78

Isang 24-anyos na estudyanteng supplier umano ng marijuana sa kanyang mga kapwa mag-aaral sa isang high school sa Quezon City ang naaresto ng mga pulis sa buy-bust operation noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Chief Inspector Edward Cantano ng District Special Operations Unit ng Quezon City Police District ang suspek na si Ernan Cilecsous Martin, binata, grade 9 student ng hindi na pinangalanang eskuwelahan sa nasabing lungsod.

Dakong alas-4:15 ng hapon nang maaresto si Martin sa bahay nito ng pinagsanib na mga operatiba ng DSOU at District Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni Cantano.

Ikinasa ang buy-bust dahil nakatanggap umano ng impormasyon ang DSOU na nagbebenta ng marijuana ang suspek. Minatyagan muna ito ng mga awtoridad at nang makumpirma ay agad na inilatag ang buy-bust operation.

Nahulihan ang suspek ng isang plastic sachet at folded book page na may laman na pinatuyong dahon ng marijuana. Narekober din sa kanya ang P500 pera na ginamit sa buy-bust.

Nakakulong ngayon ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.