Abante Tonite Interactive

Ethics complaint vs Lacson malabo – Koko

By
8

Hindi nakikita ni Senate President Koko Pimentel na uusad ang ihahaing ethics complaint ni dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon laban kay Senador Panfilo Lacson.

Malabo umano ang theory na binabanggit ng kampo ni Faeldon makaraan siyang pangalanan ni Lacson na tumatanggap ng tara sa Customs.

“Ang problema ni Faeldon dyan sa kaso nyang gusto nyang ifile meron naman talagang insidenteng nangyari dyan sa customs e. Binanggit ng isang senador. Yan ang problema ni Faeldon. Medyo malabo. Malabo po ang theory, ” pahayag ni Pimentel.

Nilinaw naman nito na lahat ay may karapatang maghanap ng reklamo subalit hindi naman ito nangangahulugan na agad itong uusad.

Sa Lunes ay ihahain ng kampo ni Faeldon ang ethics complaint laban kay Lacson dahil sa mga nabanggit nito sa kanyang privilege speech hinggil sa tara system na mistula na umanong hinusgahan ang dating Customs Commissioner.

Bukod dito, sasampahan din ng ethics complaint ni Faeldon si Senador Antonio Trillanes IV dahil naman sa mga alegasyon nito kaugnay sa katiwalian sa ahensya.