Abante Tonite Interactive

Ex-ARMM Gov. Ampatuan nasa ospital pa rin

325

Bagama’t nalalapit na ang pag­huhukom sa mga sangkot sa Ma­guindanao massacre, hindi pa rin umano nakalalabas sa Makati Me­dical Center ang isa sa mga pangunahing akusado sa nasabing kaso na si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.

Nabatid sa ipinadalang liham ni Jail Warden Jhon Montero kay Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na siyang may hawak ng kaso, na nasa intensive care unit (ICU) pa umano si Ampatuan.

“Respectfully be informed that the aforesaid Person Deprived of Li­berty (PDL) is still confined at Makati Me­dical Center,” base sa liham ni Montero kay Judge Reyes noong Miyerkoles.

“Final diagnosis of the aforesaid PDL is Acute Infarct, right frontotemporoparietal cortical subcortical a­reas, right MCA territory (NIHSS 20). (PDL) is still confined with continuous physical therapy and occupational therapy for plegic left arm and with difficulty ambulatory signed by attending physician Dr. Tanya Perez,” nakasaad pa sa sulat.

Maliban kay Zaldy, ang iba pang pangunahing akusado sa masaker ay ang kaniyang mga kapatid na sina Andal Jr. at Sajid Ampatuan. Si Sajid ay pansamantalang nakalaya dahil sa piyansa at kasalukuyang alkalde sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Sa Sabado, Nobyembre 23, ang ika-10 taong anibersaryo ng Maguin­danao massacre. Inaasahan naman na ilalabas na ng korte sa Disyembre 20 ang hatol sa mahigit 100 akusado sa Maguindanao massacre. (Dolly Cabreza)