Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ex-BAI boss panagutin sa ASF scandal – Lacson

0 368

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang biglaang paglipat ng dating chief ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa ibang ahenisya ng Department of Agriculture (DA) kung saan panahon ng kanyang termino nagsimula ang pagpasok ng African swine fever (ASF) sa bansa.

Sa panayam sa DZBB, kinuwestiyon ni Lacson si Agriculture Secretary William Dar kung bakit nito inilipat si dating BAI director Ronnie Domingo sa Philippine Carabao Center (PCC).

Ayon kay Lacson, sa panahon ng pamumuno ni Domingo sa BAI nag-isyu ng phytosanitary permits kung saan pinayagan ang pang-angkat ng baboy sa mga ASF-infected na bansa tulad ng Belgium, Hungary, Germany at China.

Ito’y sa kabila ng pag-isyu noon ni dating Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ng ilang memorandum kung saan hindi nito pinapayagan ang pagpasok ng pork import mula sa mga nabanggit na bansa.

Si Domingo ay inilipat sa PCC nitong kaagahan ng taong ito at pinalitan ni BAI OIC Director Reildrin Morales.

“Gusto nating malaman kay Sec. Dar, bakit mo tinanggal, bakit mo nilipat kasi madalian yung pagtanggal?” tanong ni Lacson.

“Papayag na lang ba tayo na kapag may anomalyang kinasangkutan, ililipat lang sa ibang opisina? Hindi na natin iimbestigahan? Hindi na natin papanagutin?” dagdag pa nito.

Sabi ni Lacson, malinaw na may nilabag si Domingo nang mag-isyu ito ng permit para sa pang-angkat na baboy sa naturang mga bansa.

“Maliwanag na may mga violation na ginawa yung dating direktor ng BAI kasi hanggang September 2020, kaya bumaha yung pork importation at nalugi yung ating mga hog raisers kasi binaha na tayo, nagkaroon pa tayo ng ASF,” sabi pa ni Lacson. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.