Abante Tonite Interactive

Ex-barangay chairman, 12-anyos na anak nirapido ng tandem

0 271

Patay ang isang dating barangay chairman habang sugatan ang kanyang 12-anyos na anak matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay San Mariano, Lal-lo, Cagayan noong Miyerkoles nang umaga.

Nakilala ang biktima na si Mauro Malagyab, 49, dating barangay chairman ng nasabing barangay. Ang 12-anyos naman nitong anak ay nasa ligtas nang kalagayan matapos madaplisan ng bala ng 45 pistol.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Lal-lo Police Station (LPS) officer P/MSgt. Gilbert Columna, papunta umano ang biktima kasama ang 12-anyos at 8-anyos na mga anak upang ihatid ito sa kanilang paaralan sakay ng isang motorsiklo.

Ngunit, ayon sa LPS, ilang metro bago sa eskuwelahan ay dumating ang dalawang suspek na lulan din ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na tinamaan ng dalawang bala sa kanyang tagiliran kaya agad na nasawi.

Nadaplisan naman ang 12-anyos nitong anak na nasa maayos nang kalagayan habang masuwerteng walang tinamong sugat ang nakababatang kapatid nito.

Ayon sa mga nakasaksi, nakasuot ng itim na jacket ang dalawang suspek na agad na tumakas pagkatapos barilin si Malagyab.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung ano ang motibo sa pamamaril at agarang pagkahuli sa mga suspek. (Allan Bergonia)