Abante Tonite Interactive

Ex-Baste player namatay habang naglalaro

256

Hindi na umabot sa ospital ang dating manlalaro ng San Sebastian Stags na binawian ng buhay sa gitna ng laro sa isang batch basketball game sa St. Mary’s College sa Bulacan.

Nag-collapse si Reggie Santos, parte ng tatlong champion­ team para sa San Sebastian noong 1993 hanggang 1997, habang nasa kasagsagan ng laro at idineklarang dead-on-arrival dahil sa cardiac arrest.

Sa report ng Spin.ph sa pakikipag-usap sa kanyang kapatid na si Rodney Santos, dating PBA player at ngayo’y parte na ng coaching staff ng University of the Philippines, kung sakali umanong nakaligtas ito ay posibleng maging parang lantang gulay na ang kalagayan nito.

Dating nakasama ni Reggie­ sa Stags sina dating Ginebra player Rommel Adducul, Ulysses Tanigue na yumao na rin noong 2018, Topex Robinson at ilan pang manlalaro.

Pag-alala ni Adducul, masayahin aniya si Reggie na madalas magpakuwela sa San Sebastian kaya nagulat sa maagang pagpanaw ng kaibigan sa edad na 47.

Ayon naman kay Rodney, hindi rin nila batid na may karamdaman ang kanyang kapa­tid at sinabing todo ang pagiging close nilang dalawa.