Abante Tonite Interactive

Ex Battalion niligwak ni Ai Ai

625

Ligwak na ang Ex Battalion sa pamamahala ng showbiz manager nilang si Ai Ai delas Alas.

Naiyak sa sama ng loob si Ai Ai nang i-announce nito kahapon na nag-quit na siya bilang manager ng hip-hop group na sumikat sa viral hit na “Hayaan Mo Sila.”

Ayon sa Comedy Queen, maraming dahilan ang pag-iyak niya na ‘yon. Una ay panghihinayang dahil magaling gumawa ng kanta at mag-rap ang XB at pangalawa ay gusto niya raw kasi sanang maiangat ng grupo ang buhay ng pamilya ng mga ito dahil alam niya kung saan nangga­ling ang XB.

“Pero aanhin mo ‘yung galing? Kailangan ‘yung galing, pa-partne­­­­­­­­ran­ mo ‘yan ng ugaling maayos, ng sincerity, ng respeto sa kapwa at integridad. Kaso wala, eh!” dismayadong bulalas ni Ai Ai.

Ang kayabangan,­ kawalang respeto at pagiging unprofessional ay tatlo lamang sa pinakaayaw ni Ai Ai na pag-uugali ng 6-member group na hinawakan niya sa loob ng 1 year and 2 months.

Kapapalabas lang ng pelikula nila na “Sons of Nanay Sabel (SONS)” na pinrodyus ng Viva Films, pero last year pa raw kinikimkim ni Ai Ai ang mga hinaing niya sa grupo.

Last week ay basta na lang daw tumiwalag sa XB si Mark Maglasang na sa chat group lang nila nagpaalam. Dahil sa pag-alis nito ay nag-domino effect na at may mga gig ang grupo na biglang nag-cancel dahil hindi na nga kumpleto at wala na si Mark.

Ani Ai Ai, ilang beses na rin na may mga gustong magdemanda sa XB dahil sa hindi pagsipot ng mga ito sa gig o raket.

“Hindi ko na kaya. Ayoko na. Kasi, hindi rin naman nila ako nire­respeto. Hindi sila naniniwala sa mga ginagawa ko para sa kanila.

Bukod pa roon ‘yung mga raket ng XB na hindi niya alam gayong siya ang manager, na ‘pag nagkaproblema ay siya pa rin ang nag-aayos at nagto-troubleshoot kahit hindi sa kanya dumaan ang booking.

Hindi pa tapos ang 2-year contract na pinir­mahan nila, pero wala na raw pakialam dito si Ai Ai. Kahit humingi pa ng tawad sa kanya ang XB ay ayaw na raw talaga niya.

Naniniwala siyang may aral siyang matututunan sa karanasan niya sa nasabing grupo, na napakabilis nalunod sa isang basong tubig. (Allan Diones)