Abante Tonite Interactive

Ex-board member ng CamSur kalaboso sa nilustay na ₱150K

By
0 132

Dalawa hanggang anim na taong pagkakulong bukod sa habambuhay na hindi na makakahawak ng puwesto sa gobyerno ang ipinataw ng Sandiganbayan laban sa dating board member ng Camarines Sur na napatunayang nagkasala sa kasong malversation of public funds.

Si Nestor Villegas ay napatunayang iligal na ginamit ang P150,104.70 pondo para ipambili ng damit at pambayad sa kanyang medical expenses.

Pinagmumulta rin si Villegas ng kahalintulad ng halagang nilustay nito.

Nabatid na tumanggap si Villegas ng cash advance na P150,104.70 noong Hulyo 1997 matapos na imbitahan sa isang kombensyon sa Estados Unidos. Ngunit hindi natuloy ang natu­rang biyahe matapos na hindi maaprubahan ang kanyang aplikasyon para sa US visa.

Makaraan ang 11 taon, ­pinadalhan ng demand letter ng Provincial Legal Officer si Villegas para i-liquidate ang naturang halaga sa loob ng limang araw dahilan upang isauli nito ang P100,000 noong Disyembre 2011 at ang nalalabing P50,104.70 noong Disyembre 2012.

Pero sinabi ng Sandiganba­yan na ang 11 taon na pagkaantala para isauli ang kinuhang pera ay lalong nagdidiin kay Villegas dahil malinaw na pag­labag ito sa itinakdang 60-araw para i-liquidate ang naturang halaga matapos na ito’y kanyang matanggap.

Bukod dito, inamin pa umano ni Villegas na ginamit ang pondo para sa kanyang personal na benepisyo.