Abante Tonite Interactive

Ex-con binaunan ng bala sa ulo

213

Naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang isang lalaki na kalalaya lamang matapos makulong dahil sa kaso ng pagnanakaw, sa loob ng kanyang bahay sa Pandacan, Maynila.

Agad nasawi si John Paul Almario, 26, matapos magtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan at isa sa ulo.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 John Bucad, ng Manila Police District-Homicide Section, nangyari ang krimen dakong ala-una Biyernes nang hapon sa 15 extension, Building 1 Alley, Bagong Barangay Housing Project, West Zamora St., Pandacan.

Nasa loob umano ng bahay si Amario nang pasukin ng tatlong suspek. Nagsilbing lookout ang dalawa habang malapitan namang pinagbabaril ng gunman. Agad tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Nabatid na Hunyo 2018 nang makulong si Almario dahil sa nasabing kaso, at iba pang mga reklamo laban sa kanya sa kanilang barangay.

Inimbestigahan na ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.