Abante Tonite Interactive

Ex-cong sinunog sa kotse

382

Tatlong bangkay ang natagpuan sa loob ng isang sunog na kotse na pag-aari ni dating Batangas 2nd District Congressman Edgar Mendoza kahapon nang madaling-araw sa Tiaong, Quezon.

Teorya ng pulisya, ang dalawa ay pinatay muna sa pamamagitan ng pagbaril sa mga ito bago sinunog sa loob ng Honda Civic na may plakang DAN 6374 malapit sa tulay sa Brgy. San Francisco ng nabatid na bayan. Gayunman, itinanggi naman ng mga imbestigador ang sinasabing nagtamo bala ang mga biktima.

“Wala pong katotohanan iyon, kasi, paano natin masasabi na may gunshot wound e buto na.”

Ayon kay Police Major Lawrence Panganiban, hepe ng Tiaong Municipal Police Station (MPS), nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan dakong ala-1:45 nang madaling-araw hinggil sa nasusunog na kotse malapit sa tulay ng Brgy. San Francisco.

Agad naman pinapuntahan ni Pa­nganiban sa kanyang mga tauhan ang lugar ng insidente matapos na malaman na mayroong tao sa nasusunog na kotse.
Matapos na maapula ang apoy ay dalawang tao ang natagpuan sa likuran ng kotse at hindi na makilala ang mga ito dahil sa sunog na sunog ang mga katawan nito.

Nakilala lamang ng pulisya ang isa sa posibleng biktima na si dating congressman Mendoza dahil sa mga nakuhang identification card sa sunog na sasakyan subalit kung titignan ang mga bangkay ay hindi sila makikilala dahil sa halos kalansay na ang mga ito.

“What remained were skeletons, they were burned beyond recognition so it is hard to say that one of them is indeed the former congressman,” pahayag ni Panganiban sa isang cellphone interview.

“We need DNA (deoxyribonucleic acid) test to really identify them,” dagdag ng opisyal.

Gayunman, kinumpirma naman ng pamilya ni Mendoza na ang sasak­yan ay pag-aari ng dating kongresista.

Base sa salaysay ng pamilya Mendoza kay Panganiban, umalis umano ang dating mambabatas sa kanilang bahay sa Batangas noong Miyerkoles upang kitain ang isang kliyente sa Calamba, Laguna.

Si Mendoza ay isang abogado, su­balit palaisipan pa rin sa pulisya at pamilya kung bakit napunta sa Tiaong, Quezon ang mga ito.

Nagkalat din ang ilang mga perso­nal na pag-aari ng mga biktima na nagkalat ilang metro ang layo sa nasunog na sasakyan, ayon pa kay Panganiban.

Sinusuri pa ng mga tauhan ng SOCO ang crime scene upang malaman kung ano ang kinamatay ng mga biktima at kung ano ang dahilan ng pagkakasunog ng sasakyan.

Inaalam pa rin kung ilan ang tala­gang sakay ng kotse ni Mendoza na naging kinatawan ng 2nd District ng Batangas mula 1998 hanggang 2001 sa ilalim ng 11th Congress. (Edwin Ba­lasa/ Ylou Dagos/JC Cahinhinan)