Abante Tonite Interactive

Ex-cop, 2 katropa bulagta sa buy-bust

0 811

Patay ang tatlong tulak ng iligal na droga kabilang ang isang dating pulis nang manlaban umano ang mga ito sa buy-bust operation sa Polomolok South Cotabato Miyerkoles ng gabi.

Nakuha pang isugod sa Howard Hubbard Memorial Hospital ang dating pulis na kinilalang si Joel Labuen, 38, at dalawang kasamahan niya na sina Gary Montero, 37, at isang nakilala pa lang sa alyas `Kokoy’, subalit iinklarang dead on arrival ng sumuring doktor dahil sa mga tama ng bala sa kanilang katawan.

Sa ulat na isinumite ng tanggapan Lt. Lino Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office 12, naganap ang insidente dakong alas-7:15 ng gabi sa kahabaan ng Farm Road partikular sa harapan ng DARBC Cemetery sa Brgy. Cannery Site sa Polomolok.

Isang buy-bust ang isinagawa ng mga awtoridad laban kay Labuen at isang pulis ang nagpanggal na bibili sa kanya ng droga.

Umiskor ang nagkunwaring buyer ng halagang P500 shabu sa suspek subalit nakahalata umano ito na pulis ang kanyang kausap kaya agad na binunot ang kanyang baril gayundin ang dalawa nitong kasamahan at sinimulang paputukan ang mga pulis sa paligid.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis at nagkaroon pa ng habulan hanggang sa makorner ang mga suspek sa Perlan Compound kung saan nasapul na ang mga ito at bumulagta.

Nakuha sa mga suspek ang tatlong baril at mga bala nito gayundin ang pitong sachet ng shabu.

Napag-alaman na dating pulis na nakadestino sa Polomolok Municipal Police Station ang suspek na si Labuen subalit sinibak ito dahil sa paulit-ulit na pagkakasangkot sa kalakaran ng iligal na droga. (Edwin Balasa)