Abante Tonite Interactive

Ex-cop ginulpi ng 8 lalaki

481

Pinagtulungang gulpihin ng walong lalaki ang isang dating pulis matapos magkainitan sa pagsita ng huli sa grupo, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Dalawa lamang sa walong suspek ang nadakip. Ito’y sina Richard Mahilom, 33, mekaniko at Jonel Bentor, helper, binata, kapwa taga-Caloocan.

Nagpapagaling naman sa Manila Central University (MCU) Hospital si ex-policeman Ariel Benzon, 54, taga-East Grace Park, Barangay 89, Caloocan City, dahil sa mga pasa sa mukha, sugat sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan.

Bandang alas 7:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Asistio Street.
Armado umano ng cal. 45 si Benzon nang lapitan niya at sitahin ang grupo ng mga jeepney driver dahil sa nakabalagbag na sasakyan at pag-iingay ng mga ito.

Nauwi sa mainitang diskusyon ang panininta ng dating pulis kaya nilapitan ito ng walong lalaki at pinagtulungang gulpihin.

Nang makitang duguan na ang mukha ng biktima, inagaw pa ng mga suspek ang dalang baril ni Benzon saka nagsikatas.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga otoridad para papanagutin ang anim pang tumulong sa paggulpi kay Benzon. (Orlan Linde)