Abante Tonite Interactive

Ex-DAR regional director guilty sa nilustay na pondo

285

Pinatawan ng mul­tang P6,000 ng Sandiganbayan ang isang da­ting regional director ng Department of Agrarian Reform (DAR) matapos umaming guilty sa nilutay na P184,904 pondo ng gobyerno para sa kanyang personal na pangangailangan.

Sa desisyon ng San­diganbayan 6th Division, guilty sa kasong paglabag sa Article 218 ng Revised Penal Code si da­ting DAR Region 13 Director Yusoph Mama.

Batay sa datos, nag-ugat ang kaso sa liquidation report na isinumite ng Commission on Audit (COA) kung saan mula noong Setyembre 30, 2011 ay hindi pa nag-liquidate si Mama sa natanggap nitong pondo kung saan siya ang may kontrol bilang regional director ng DAR sa Agusan del Norte.

Pumasok si Mama sa isang plea bargain na inap­rubahan naman ng Sandiganbayan. Sa nasabing kasunduan ay inamin ni Mama ang kanyang kasalanan at binayaran ang nasabing halaga.

“The accused and his counsel informed the Court that the accused fully understood the nature and consequences of his entering a plea of guilty to said crime. ­Having pleaded guilty to the lesser charge in the Information, the accused is deemed to have admitted all the material facts alleged therein,” ayon sa Sandiganbayan.

Dahil hinatulang guilty sa kaso ay bukod sa multa ay hindi na rin papayagan si Mama na makapagtrabaho pa sa gobyerno. (Tina Mendoza)