Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ex-DBM usec nilinis Pharmally, dinurog Senado

0 106

Mistulang nagsumbong pa sa mga kongresista si dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao nang humarap sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability kaugnay sa Commission on Audit (COA) report sa pagbili ng mga medical supply ng Department of Health (DOH).

Sa pagtatanong ni Deputy Speaker at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, inihayag ni Lao na sinabi niya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na sa ilalim ng Bayanihan 1 ay pinapayagan na huwag nang idaan ang pagbili ng medical supply sa public bidding upang makakuha agad dahil mahalaga ito sa pagtugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Lao na tinangka nitong paliwanagan ang mga senador pero pinuputol umano ang kanyang pagsagot.

Dagdag pa ni Lao: “Actually in the middle when I was explaining I was told not to lecture and I was called arrogant Mr. Chairman.”

Ipinaliwanag din ni Lao na maraming kompanya umano ang nag-alok sa Procurement Service ng DBM pero karamihan sa mga ito ay walang hawak na supply at kinakailangan pang umorder kapag natuloy na ang transaksiyon.

Iba umano ang kaso ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nagsabi sa sulat na mayroon silang hawak na medical supply.

Humingi umano ng patunay si Lao sa Pharmally na mayroon itong hawak na medical supply noong Setyembre 24, 2020. Pagpasok umano niya noong Setyembre 26, 2020 ay nasa tanggapan na ng PS-DBM ang supply. Na-deliver umano ito pagkatapos ng office hours noong Setyembre 25.(Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.