Abante Tonite Interactive

Ex-GOV Espino niratrat, agaw-buhay

0 753

Limang bodyguard ang nasawi habang malubhang nasugatan si dating 5th District congressman Amado Espino Jr., matapos silang tambangan sa kahabaan ng San Carlos City, Pangasinan kagabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng San Carlos Police Station (SCPS), nangyari ang insidente bandang alas-5:30 nang gabi nang maganap ang pamamaril sa Brgy. Mangbatin, San Carlos City sa nasabing lalawigan.

Sa paunang report ng SCPS, habang tinatahak ng dating congressman at mga bodyguard nito ang kahabaan ng nasabing barangay ay pinaulanan sila ng mga suspek ng M16 armalite rifle.

Napag-alaman sa isang source ng Abante Tonite na papauwi na umano si Espino kasama ang kanyang mga alalay nang tambangan sila ng mga hindi na nakikilalang suspek.

Ayon pa sa source, hindi na umano nakaganti ang mga nasabing bodyguard sa putok dahil sa bilis ng pangyayari kung saan lumilitaw na planado ito.
Agad na itinakbo sa hindi na binanggit na ospital ang dating congressman para sa kanyang agarang medikasyon.

Si Espino ay dating representative sa Ikalimang Distrito sa Pangasinan kung saan nagsilbi rin itong gobernador sa nabanggit na probinsya.

Sa ngayon nagkakaroon ng malalimang imbestigasyon sa nasabing insidente. (Allan Bergonia)