Abante Tonite Interactive

Ex-Iloilo mayor 10 taon kulong sa fertilizer scam

467

Hinatulan ng 10 taon na pagkabilanggo ang isang dating alkalde sa Iloilo matapos mapatunayang nagkasala sa isinampang kaso laban sa kanya sa Sandiganbayan kaugnay ng fertilizer scam.

Sa 48 pahinang desisyon ng anti-graft court 7th Division, bukod kay dating Maa­sin, Iloilo Mayor Maria­no Malones ay hinatulan din ng 10 taon na pagkabilanggo sina Cecilio Montefrio, dating municipal accountant, at acting municipal accountant Jimmy Borra

Batay sa desisyon ng Sandiganba­yan, bumili ang Pamahalaang Lokal ng Maasin ng mga liquid fertilizer na umaabot sa milyong pisong halaga nang hindi dumaan sa bidding.

“The municipality of Maasin immediately brushed aside… public bidding… and resorted to an alternative mode of procurement without any duly approved BAC (bids and awards committee) resolution,” ayon sa Sandi­ganbayan.

Sinabi pa sa desisyon na overprice ang mga biniling 666 bote ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada isa ga­yong makakabili rin nito sa halagang P150 kada bote lamang.

Lumalabas umano na may overpricing na P889,110.
Binawalan din ng anti-graft court na humawak pa ng posisyon sa gobyerno sina Malones, Montefrio at Borra.

Pinirmahan nina 7th Division chairperson Associate Justice Ma. Dolores Gomez-Estoesta at Associate Justices Zaldy Trespe­ses at Georgina Hidalgo ang nasabing desisyon. (Prince Golez)