Abante Tonite Interactive

Ex-manager ng JRS Express dinampot sa pagnanakaw

806

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Warrant Section ang isang dating branch manager ng JRS Express matapos sampahan ng 282 kaso ng qualified theft sa Manila Regional Trial Court Branch 33.

Ang suspek na si Debs Dela Mesa y Puganes, computer shop owner at taga-Malabon City, ay dinampot sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Edgardo Saplala na may petsang Hulyo 12, 2019 para sa Criminal Case #R-MNL-19-06238-CR.

Inirekomenda naman ng korte ang piyansang P10,430,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dakong alas-11:00 ng umaga nang arestuhin si Dela Mesa sa loob ng kanyang computer shop sa Malabon.

Base sa rekord ng pulisya, nalaman na umabot umano sa P11 milyon ang ninakaw ni De la Mesa sa JRS Express noong nagtatrabaho pa siya bilang branch manager ng kompanya noong 2017 hanggang 2018.

Natuklasan umano ang pagkuha ng pera ni Dela Mesa sa kompanya sa iba’t ibang pagkakataon matapos i-audit ng main office sa Pasig City noong Pebrero 1, 2019.

Hindi na umano pumasok sa kompanya si Dela Mesa nang malaman na natuklasan na ang kanyang ginagawa. (Juliet de Loza-Cudia)