Abante Tonite Interactive

Ex-NBI deputy director dinikdik si De Lima sa drug case

822

Nadikdik muli si Senador Leila De Lima sa pagpapatuloy ng kaso nitong may kaugnayan sa iligal na droga.

Sa pagdinig nitong Biyernes, Disyembre 6, 2019 sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ay idiniin ito sa kaso ng noo’y dating National Bureau of Investigation (NBI) deputy director na si Atty. Reynaldo Esmeralda.

Ibinunyag ni Esme­ralda nang umupo sa witness stand na milyon-mil­yong piso ang tinanggap bilang kabayaran kay De Lima noong panahon na siya ay naglilingkod bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Ibinuking ni Esme­ralda na tumatanggap ng milyon-milyong halagang piso si De Lima kung saan ipinapadeliber pa umano ito ng personal sa kanya ng mga convicted drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).

Dagdag pa ni Esme­ralda, isang Jun Ablen, na opisyal din ng NBI ang nagdadala ng mala­king halaga ng pera kay De Lima dahil ito umano ang itinuturing na “paborito” na opisyal.

“He (Ablen) was the only NBI official who held two sensitive positions at the same time,” ani Esmeralda.

Nauna nang nagpatotoo si Ablen laban kay De Lima sa parehong kaso ng droga.
Pinatunayan din ni Esmeralda kung gaano kalapit si Ronnie Dayan kay De Lima dahil nakakapaglabas-masok umano ito sa opisina ng da­ting kalihim.

Pinatotohanan din ni Esmeralda na nakatatanggap ang mga ito ng mil­yon-milyong halaga dahil ang codename na ginagamit ni Dayan ay ‘Kolokoy’ habang ang tinutukoy umanong ‘Lola’ ay si De Lima.

Samantala, sa parehong pagdinig, nagsampa ng petisyon si Atty. Ferdinand Topacio laban kay Vice President Leni Robredo at Inquirer co­lumnist Gideon Lasco ng indirect contempt dahil sa pahayag nito kasabay ng ika-1,000 araw ni De Lima sa bilangguan.

Tinangkang hingan ng reaksyon ang senadora sa testimonya ni Esmeralda pero wala pa itong tugon.