Abante Tonite Interactive

Ex ni Joem wapakels kay Meryll

1,982

Nagsalita na ang ex-girlfriend ni Joem Bascon na si Crisha Uy hinggil sa hiwalayan nila. Inilabas niya ang kanyang panig sa bago niyang vlog sa YouTube channel nitong Biyernes, January 10.

Hindi niya direktang sinabi na si Joem ang nakipaghiwalay pero base sa kanyang sinabi, sa isang relasyon umano ay may isang nang-iiwan at iniwan.

Isiniwalat din niya na nawalan na umano ng pag-ibig sa kanya ang aktor. Aniya, “Mahirap sabihin, pero wala na tayong magagawa if he fell out of love.”

Mahirap man daw umano tanggapin na nawala na sa kanya ang taong nakasama niya sa iisang bubong sa loob ng walong taon. Wala umano siyang magagawa kundi tanggapin na lamang.

Sey pa niya, “Hindi ko naman puwedeng pilitin ‘yung tao na hindi na ako mahal.”

Ayaw rin niyang sisihin ang sarili sa hiwalayan nila, dahil hindi naman nakokontrol ang pagmamahal ng isang tao. Dagdag pa niya, “Maybe we’re not just meant to be.”

Gayunpaman, nagtapos man ang kanilang relasyon, wala umano siyang pinagsisihan. Ang kanilang eight-year relationship nga ay muntik nang mauwi sa kasalan.

Samantala, matapos ang naging hiwalayan. Malakas ang naging kutob ng kanilang mga tagasubaybay na may kinalaman dito ang ex-girlfriend ni Joem Bascon na si Meryll Soriano.

Hinggil dito, sinabi ni Crisha na wala na umano siyang paki pa sa nai-involve na tao sa buhay ng aktor.

Aniya, “Sa mga concerned sa akin, nagme-message sa akin, nagse-send ng photos… pero if you see him na may kasamang iba, it’s not my concern anymore.”

Bagama’t, naispatan na magkasama sina Joem at Meryll sa pagsalubong ng Bagong Taon, wala namang pag-amin ang dalawa na may relasyon sila. (Rona Ronda)