Abante Tonite Interactive

Ex-PBA player sinangla ang nakaw na kotse

By
2,512

Kinasuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office ng estafa at paglabag sa Anti-Fencing Law ang dating basketball player na si Mark Cardona matapos na isangla umano ang sasakyang hindi naman nito pagmamay-ari.

Ayon kay Supt. Jonathan Calixto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Task Force Limbas, ang kaso laban kay Cardona ay nag-ugat sa reklamong inihain ng isang Michille Flores noong Enero 31.

Base sa reklamo ni Flores, Nobyembre 13, 2017 nang isangla ni Cardona ang sasakyan nitong itim na Subaru Forester sa halagang P300,000 at nangako na babayaran sa Nobyembre 30, 2017 na may kaakibat na interes.

Pero sa pagsapit ng Nobyembre 30 ay hindi nagbayad ng P300,000 si Cardona pati ang ipinangakong interes at sinabing wala siyang pera.

Hindi umano rehistrado ang sasakyan kaya’t hindi ito magamit ni Flores. Hindi rin maibigay ni Cardona ang mga original copy ng mga dokumento ng sasakyan.

Dahil dito, nagtungo sa Land Transportation Office (LTO) si Flores. Nagsumbong na rin ito sa PNP-HPG na agad nagsagawa ng imbestigasyon.

Dito na natukoy na ang itim na Subaru Forester ay pag-aari ng isang

Jarwin Uy na nag-report na nawalan ng sasakyan.

Lumabas din sa rekord na binili ang nasabing sasakyan nina Mark Macapagal at Cesar Young subalit hindi nabayaran.

Inaalam pa ng PNP-HPG kung paano napunta ang sasakyan kay Cardona.