Abante Tonite Interactive

Ex-PCGG chief Sabio walang ‘immunity’ sa kaso

0 194

Iginiit ng Supreme Court (SC) na hindi umano saklaw ng anumang ‘immunity from suit’ ang mga alter ego ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y matapos ibasura ng SC 3rd Division ang petisyon ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio at pinagtibay ang naunang desisyon ng Sandiganbayan na guilty ito sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa 10 pahinang desisyon na may petsang Hulyo 15, 2019 na sinulat ni Associate Justice Diosdado Peralta, inihayag ng SC na hindi maaaring gawing depensa ni Sabio ang pagkakaroon ng ‘immunity from suit’ dahil hindi naman saklaw ng nasabing presidential immunity ang mga alter ego ng Pangulo.

Nag-ugat ang kaso laban kay Sabio mula sa pinasok na lease agreement ng PCGG sa United Coconut Plan­ters Bank Leasing and Financial Corporation para sa 11 sasakyan mula 2007 hanggang 2009 na nagkakahalaga ng higit P12 milyon nang walang competitive bidding.

Nauna nang pinatawan ng Sandiganbayan si Sabio ng pag­kabilanggo na hindi bababa sa anim na taon at isang buwan hanggang 10 taon at accessory penalty na perpe­tual disqualification sa paghawak ng anumang tanggapan o posisyon sa gobyerno.

Dahil ang PCGG ay isang ahensya ng gobyerno, sinabi ng SC na saklaw ito ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act na siyang dapat tumalima sa itinatakda ng batas hinggil sa pagsasagawa ng competitive bidding ng PCGG bago ito pumasok sa lease agreement. (Anne Lorraine Gamo)